This website adopts the Web Content Accessibility Guidelines (WCAG 2.0) as the accessibility standard for all its related web development and services. WCAG 2.0 is also an international standard, ISO 40500. This certifies it as a stable and referenceable technical standard.

WCAG 2.0 contains 12 guidelines organized under 4 principles: Perceivable, Operable, Understandable, and Robust (POUR for short). There are testable success criteria for each guideline. Compliance to these criteria is measured in three levels: A, AA, or AAA. A guide to understanding and implementing Web Content Accessibility Guidelines 2.0 is available at: https://www.w3.org/TR/UNDERSTANDING-WCAG20/

Accessibility Features

Shortcut Keys Combination Activation Combination keys used for each browser.

  • Chrome for Linux press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • Chrome for Windows press (Alt+shortcut_key)
  • For Firefox press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • For Internet Explorer press (Alt+Shift+shortcut_key) then press (enter)
  • On Mac OS press (Ctrl+Opt+shortcut_key)
  • Accessibility Statement (Combination + 0): Statement page that will show the available accessibility keys.
  • Home Page (Combination + H): Accessibility key for redirecting to homepage.
  • Main Content (Combination + R): Shortcut for viewing the content section of the current page.
  • FAQ (Combination + Q): Shortcut for FAQ page.
  • Contact (Combination + C): Shortcut for contact page or form inquiries.
  • Feedback (Combination + K): Shortcut for feedback page.
  • Site Map (Combination + M): Shortcut for site map (footer agency) section of the page.
  • Search (Combination + S): Shortcut for search page.
  • Click anywhere outside the dialog box to close this dialog box.

    Ang Pangarap Ko Para Sa Aking Bayan

    Message at the Mass for Peace

    G/F Cory Aquino Democratic Space, Henry Sy Sr. Hall

    De La Salle University, Taft Avenue, Malate, Manila

    Maraming salamat! Maupo po tayong lahat.

    Magandang hapon! Mabuti na lang tinabi ulit iyong podium. Kanina nasa gitna, sabi ko baka mag-homily ulit ako. Former President Benigno Simeon Aquino III [applause]; Senator Kiko Pangilinan [applause]; Senator Bam Aquino [applause]; Brother Armin Luistro [applause]; and the brothers of De La Salle Philippines [applause]; former national government officials present; mga minamahal ko pong mga kababayan; magandang hapon sa inyong lahat. [applause]

    Samu’t saring mga emosyon ang nababakas sa mga mukha nating lahat ngayong araw. Nariyan ang bigat ng mga alaala ng batas militar. Ang pagmamalaki sa tapang ng mga Pilipinong lumaban sa diktadurya. Ang pag-aalala dahil sa pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin at ang pagkadismaya sa maling pamamahala ng administrasyon na siyang nagdulot at nagpapalala sa sitwasyong ito.

    Ngunit bakas rin sa ating mga mata na humuhugot tayo ng lakas sa isa’t isa. Na sa ating pagsasama, lalong umiigting ang determinasyon na hinding-hindi na nating hahayaang mangyari muli ang pagsupil ng ating kalayaan at pang-aabuso ng kapangyarihan. “Never again” [audience: Yes! applause] — paulit-ulit at walang sawa natin itong isisigaw hanggang sa tumatak sa isip ng ating mga kababayan, lalo na ng kabataan, ang pangil na dala ng awtoritaryanismo.

    Kailangan ng ating bayan ang mariing pagpapaalala sa takot na bumalik na naman tayo sa uri ng lipunan na siyang nilabanan natin noon. Nahaharap na naman tayo sa isang mapanghamong punto ng ating kasaysayan. May bagong pangalan na ngayon ang propaganda para takutin tayo at magbigay ng kalituhan sa lahat: “disinformation at fake news.” Ngunit katulad dati, hindi maikakaila kung sino ang naghahasik nito sa taumbayan. Akalain ba naman nating lahat, na, kadalasan, gobyerno mismo ang pinanggagalingan nito? Higit na nakakapangamba pa, kung paano ginagawang sandata ang mga ito upang patahimikin ang mga tao at organisasyon na hindi sumasang-ayon sa mga makapangyarihan.

    Matapang sa gawa, hindi lang sa salita. Ganitong lider ang tunay na masasandigan ng taumbayan sa mga panahon ngayon. Tingnan na lamang natin ang nangyayari sa isyu ng West Philippine Sea at ang pagyurak sa soberanya ng ating bansa. Kulang na lang na ipamigay sa ibang bayan ang pinanggagalingan ng hanapbuhay ng ating mga mangingisda, ang fishcatch ng napakalaking bahagi ng mundo, at maging ang maaring pagkukunan natin ng enerhiya para sa ating ekonomiya.

    Nakakadismaya rin na kaysa maasahan natin ang liderato na maging ehemplo sa ating lahat, siya pa ang nagsasabi sa mga nagsisilbi sa gobyerno na huwag susundin ang mga patakaran ng Commission on Audit; na isantabi ang karapatang pantao ng ordinaryong Pilipino; na ang rape ay katanggap-tanggap kung maraming magaganda.

    Hindi ba’t nagiging pangkaraniwan na ngayon ang karahasan hindi lang sa salita, kundi sa gawa? Nakakagalit kung papaano sinasanay ang ating mga kabataan sa kulturang ‘ayos lang’ gumawa ng mali.

    Marahil ang iba sa atin, handa nang sumuko. Ang iba nag-iisip na baka mas mabuti pang mangibang-bansa na lamang. Mas malala, kumikibit balikat na lamang sa pagpapakalat ng kasinungalingan. O di kaya: wala nang pakialam sa mga nangyayari sa paligid, at nangangatwiran na, na tanging kamay na bakal lamang ang lunas sa mga problema ng ating bayan.

    Pero alalahanin natin na ang magigiting at matatapang, laging nananatili at lumalaban. Iba-iba ang paraan nating lahat sa pagpapakita ng kagitingan at katapangan, pero lahat tayo ay patuloy na nangangarap ng mas mabuting kinabukasan para sa ating mga kababayan. Patuloy na nananalig sa kakayahan ng bawat mamamayan na baguhin ang tinatahak na landas ng ating bansa.

    Napatunayan na natin ang ating giting at tapang noong nasa gitna tayo ng kadiliman ng batas militar at nang lumalaban tayo upang patalsikin ang diktador. Hinarap natin ang mga tangke de giyera na walang ibang bitbit kundi ang mga dasal at bulaklak. Sa pakikipaglaban, marami sa atin, duguan, dumanas ng pagkaulila, o pagkakulong. Magkakaiba man ang uri ng ating mga sugat, nagkaisa tayong lahat para tapusin ang laban.

    Sa panahon ngayon kung saan nalalagay na naman sa hamon ang ating mga karapatan at kalayaan, lagi nating tatandaan na [nananalaytay] pa rin sa ating mga dugo bilang Pilipino ang giting at tapang at pagmamahal sa bayan na pinakita natin sa bawa’t hibla ng ating kasaysayan. Hihiramin ko iyong sinabi ni Ninoy noon, na, the Filipino is worth dying for. [applause] At masasabi natin ngayon, the Filipino is still worth dying for. [applause]

    Alam ko, mahirap itong gawin, kung titingnan lamang natin ang ingay sa ating paligid. Parang puro hidwaan at paninira ang nababasa at naririnig natin. Pero sa aking paglalakbay sa bawat sulok ng ating bansa nitong mahigit dalawang taon na nakalipas, ramdam ko ang puso ng mga Pilipino sa pinakasulok ng ating bayan na umaasa na hindi tayo bibitaw at patuloy tayong lalaban para sa kapakanan ng mga nasa laylayan ng lipunan.

    Pangarap natin ang isang bayan kung saan hindi tayo nagkaka-watak-watak dahil lamang sa pulitika, estado sa buhay, o lugar na pinanggalingan. Pangarap natin ang isang bayan kung saan nirerespeto ang kalayaan at paniniwala ng bawat tao, kakampi man o kaaway. Pangarap natin ang isang bayan kung saan malaya at walang takot na nakakapagpahayag ang bawat mamamayan ng kaniyang saloobin — at siya ay pinapakinggan ng mga nasa kapangyarihan.

    Higit sa lahat — at lalong-lalo na — pangarap natin ang isang bayan na binibigkis ng isang malalim na paggalang at pananampalataya sa isang Dakilang Lumikha. At dahil mismo sa pananampalatayang ito, naniniwala tayong walang buhay na mas matimbang kaysa sa iba. Na ang bawat tao ay may karapatang mabigyan ng isa pa, dalawa pa, o higit pang pagkakataon para isaayos ang kanilang buhay.

    Lahat ng ito ay maisasakatuparan hindi dahil sa isang tao lamang, kundi sa pagpapaka-bayani ng bawat isa sa atin, ng bawat Pilipino — mga ordinaryong lingkod-bayang nagsisilbi nang tapat at mabuti; mga kapulisan, mga sundalo at mga hukom na tapat sa kanilang sinumpaang katungkulan at nag-aalay ng mabuting serbisyo hindi lang sa mga nasa kapangyarihan pero lalung-lalo na sa mga karaniwang mamamayan; mga magsasaka, mangingisda, at manggagawang nakukuba na sa trabaho ngunit patuloy na nagsisipag at nagtitiyaga para maiahon ang kanilang mga pamilya sa kahirapan; mga OFW na tinitiis ang matinding lungkot dahil sa pagkawalay sa mga minamahal sa buhay; mga ina at ama na doble kayod sa harap ng pagtaas ng presyo ng bigas para lamang siguruhin na kumain ang kanilang mga anak tatlong beses isang araw.

    Pinapangarap natin ang isang mas matatag na bansa kung saan ramdam ng bawat manggagawa ang ginhawa sa bawat pisong pinaghihirapan niya, ang pag-asa sa mas magandang kinabukasan sa bawat araw na pumapasok ang mga anak sa eskwelahan, ang maayos na kalusugan, at ang katiwasayan ng pagkakaroon ng sariling tahanan.

    Pangarap natin na muling maibalik ang katapatan at integridad sa ating mga nanunungkulan, at papanagutin ang mga naging mapang-abuso sa kanilang kapangyarihan. [applause]

    Pangarap natin ang isang bayan na kinokondena ang anumang pagsupil ng ating kalayaan. Alam nating lahat ang maling pag-iisip na lumalaganap ngayon: demokrasya raw ang may kasalanan sa napakaraming paghihirap ng mga tao at tanging mga mayayaman lamang daw ang nakinabang dito.

    Ngunit, kung tutuusin, hindi ba’t nasubukan na rin natin ang kamay na bakal na pamumuno at ang diktadurya? Sa ilalim ng Martial Law noon, dumanak ang dugo at gumuho ang mga institusyon. Hinding-hindi natin hahayaang makalimutan na lamang ang dami ng buhay na ibinuwis at ang paghihirap na dinulot nito sa ating sambayanan. Kung muli natin itong babalikan at sisiyasatin, makikita natin na ang sagot sa ating mga problema ay hindi ang pagkawala ng demokrasya; ang sagot ay ang mas pagbibigay ng lakas at kapangyarihan sa mga mamamayan.

    Ang katotohanan, kasaysayan na mismo ang nagpakita sa atin na epektibo ang demokrasya, dahil sa kaibuturan nito ay ang tiwala at respeto sa bawat Pilipino. Nakalimutan na yata natin na demokrasya ang nagdala ng mahabang panahon ng katahimikan sa ating bansa. At kung gusto nating maramdaman ang kaunlaran ng mas marami nating kababayan, kailangan nating palalimin ang demokrasya, hindi ang iwanan ito. Kailangan natin itong patatagin, at hindi pakialaman ang Konstitusyon na siyang sinasandigan ng mga prinsipyo nito. [applause] Kailangan nating pangalagaan ang mga lokal na pamahalaan at lider nito na siyang nagbibigay boses sa taumbayan, at hindi ipilit ang pagpapalit ng uri ng gobyerno na sisira sa mga institusyong siyang pumoprotekta sa ating buhay at mga karapatan. [applause]

    Pangarap ko ang mga ito, hindi lang bilang inyong Pangalawang Pangulo, kung hindi bilang ina [applause]—isang inang nag-aasam ng magandang buhay, hindi lamang sa kaniya, kundi para sa kaniyang mga anak, para sa kaniyang pamilya, at para sa kaniyang bayan.

    Isang ina na nakakaalam na sadyang maraming pagsubok ang buhay. Tanggap ko ito, gaya ng marami sa inyo, dumaan din ako sa matinding pagsubok, matinding pangungulila, paninira, at pananakot sa aming pamilya. Ngunit hindi tayo aatras. Handa tayong ipagtanggol [applause] hindi lamang ang ating pamilya, kundi ang ating bayan mula sa karimlan at kasamaan.

    Panahon na para manindigan tayo. [audience: Yes! applause] dahil nanganganib nang muli ang demokrasya. At ito ang kailangan nating tandaan: tinatawag tayo ng panahon upang umaksyon at ang pagkakataong ganito ay minsan lamang babalik sa atin. [applause]

    Para sa ating mga kababayang kapos at naghihirap, isantabi natin ang lahat na hidwaan, alang-alang sa kanila. Dahil kung mayroon man tayong mapupulot na aral noong nagtagumpay tayo laban sa diktadurya, hinding-hindi tayo magtatagumpay kung tayo ay hindi nagkakaisa. [applause]

    Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay po kayong lahat! [applause]

    Posted in Speeches on Sep 21, 2018