This website adopts the Web Content Accessibility Guidelines (WCAG 2.0) as the accessibility standard for all its related web development and services. WCAG 2.0 is also an international standard, ISO 40500. This certifies it as a stable and referenceable technical standard.

WCAG 2.0 contains 12 guidelines organized under 4 principles: Perceivable, Operable, Understandable, and Robust (POUR for short). There are testable success criteria for each guideline. Compliance to these criteria is measured in three levels: A, AA, or AAA. A guide to understanding and implementing Web Content Accessibility Guidelines 2.0 is available at: https://www.w3.org/TR/UNDERSTANDING-WCAG20/

Accessibility Features

Shortcut Keys Combination Activation Combination keys used for each browser.

  • Chrome for Linux press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • Chrome for Windows press (Alt+shortcut_key)
  • For Firefox press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • For Internet Explorer press (Alt+Shift+shortcut_key) then press (enter)
  • On Mac OS press (Ctrl+Opt+shortcut_key)
  • Accessibility Statement (Combination + 0): Statement page that will show the available accessibility keys.
  • Home Page (Combination + H): Accessibility key for redirecting to homepage.
  • Main Content (Combination + R): Shortcut for viewing the content section of the current page.
  • FAQ (Combination + Q): Shortcut for FAQ page.
  • Contact (Combination + C): Shortcut for contact page or form inquiries.
  • Feedback (Combination + K): Shortcut for feedback page.
  • Site Map (Combination + M): Shortcut for site map (footer agency) section of the page.
  • Search (Combination + S): Shortcut for search page.
  • Click anywhere outside the dialog box to close this dialog box.

    BISErbisyong LENI – Episode 69

    ELY: Magandang umaga, Pilipinas—Luzon, Visayas, at Mindanao! Ngayon po ay araw ng linggo, September 2, 2018. Mga kasama, ako pa rin ho iyong radio man Ely Saludar. Isa na namang edisyon ng Biserbisyong Leni sa RMN. Magandang umaga, Pilipinas, at good morning sa ating mga kababayan sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Tayo po’y napapakinggan sa RMN Naga, DWNX 91.1, DWRN 657, so AM at FM sa RMN Naga, tayo po’y napapakinggan. At dito din po sa RMN Cebu, DYHP 612, RMN Cagayan De Oro, DXCC 828, at RMN Davao, DXDC 621, maayong buntag diyan po sa mga Davao, lalo na iyong mga magaganda ho diyan, na delikado ho ah.

    Mga kasama, maya-maya makakasama natin dito po sa ating si studio si Madam Vice President Leni Robredo. Pero, samantala, dito muna sa ating studio kasama rin natin ang kanyang spokesperson, si Atty. Barry Gutierrez. Attorney, magandang umaga sa iyo.

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Magandang umaga, Ka Ely, at magandang umaga sa ating mga tagapakinig.

    ELY: Opo. Good morning at maayong buntag. Mukhang… batiin mo naman taga-Davao.

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Magandang umaga sa mga kaibigan natin sa Davao. Lalo na iyong mga maganda, pati na rin yung mga hindi masyado.

    ELY: Iyon.

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Tama.

    ELY: Okay, so iyon ho, mga kasama, kaya natin binabanggit ‘yan dahil sa siguro maganda, pag-usapan na rin natin. Ako nga, lumabas sa aking column kahapon sa Abante Tonight, na parang, ako ang tingin ko dito, masyadong tanging insulto dahil sa biktima ka na, parang lalo ka pang biniktima ng panggagahasa.

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Grabe nga, Ka Ely. Ako, gulat na gulat ako noong una kong nabalitaan ‘yan. Noong una, di ako naniwala, eh. Pero noong pinakinggan ko iyong original na video na talagang sinabi ni Presidente…

    ELY: Tsaka Bisaya, parang nagj-joke naman ang pangulo. Kaya itinuturing na rape joke. Pero kung minsan, ang rape joke, attorney, minsan iyong biro may mga masasakit na biro ‘di ba?

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Hindi lang sa masakit iyong biro, Ka Ely. Ang problem kasi dito parang nagiging katanggap-tanggap iyong rape; ginagawang normal. Kaya nga umaalma iyong ating mga women’s rights groups, iyong mga human rights groups, dito sa isyu na ito, dahil sa pakiramdam nila, and isang seryosong usapan na dapat cino-convene na ay ginawang okasyon para pagtawanan at gawing parang joke nga, ‘ika nga. At hindi ito iyong unang pagkakataon na nangyari ‘yan kaya medyo nakakalungkot na hanggang ngayon, dalawang na sa pagkapangulo ang ating presidente, ay ganyan pa rin iyong nagiging usapan.

    ELY: Kaya ako, natatandaan ko, ‘di ba, iyong TV Host at comedian na si Ramon Bautista, nadeklara pa ‘yang ano, persona non grata…

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Persona non grata. Tama.

    ELY: Noong sabihin niya na iyong mga babae diyan po sa Davao ay hipon. Alam niyo naman siguro iyong mga hipon. Maganda katawan, tapon ulo. Ibig sabihin, hindi maganda. Iyan ang kanyang joke naman. Eh, comedian ‘to eh. Ayun talaga, pwedeng magpatawa kasi comedian ‘to – si Ramon Bautista. Pero kung ikaw ay opisyal ng gobyerno, bilang ama ng sambayanan, ay sigurong ibang usapan ito.

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Oo nga. Eto nga eh, iyong Davao City Council nga sa kaso nga ni Ramon Bautista na comedian, dineclare na persona non grata. Eh, paano pa kaya itong ganito? Siyempre, ‘di na tayo aasa na mayroong magkakaroon ng ganoong klaseng pagkilos dito sa isyung ito.

    ELY: Okay, so iyon ho mga kasama, at maya-maya kakausapin natin at may makakausap din tayo tungkol sa consumer at narito na ho ang ating Bise Presidente, so sandal lang ho mga kasama. Iyong ating mga listeners, at iyong mga sumusubaybay din nationwide, worldwide, sa Facebook nga – VP Leni Robredo, ay maya-maya. Sandali lang, ho, at talagang humahabol pa, galing pa siya ng Naga.

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Oo, diretso galing airport.

    ELY: Mga kasama, at importante, pag-uusapan din mamaya, attorney, iyong bigas. Grabe.

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Nako, napakabigat na po na problema niyan, Ka Ely, sa kasalukuyan, at sigurado ako, marami sa ating mga tagapakinig, mga kapwa natin na Pilipino, interesadong-interesado mapag-usapan iyang isyu na iyan.

    ELY: At siyempre po, mga kasama, diyan po sa mga taga-Basilan, ang report: otsenta pesos na, kada kilo.

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Oo. Grabe nga iyong taas, eh, at nakakadismaya pa dito, tuwing magsasalita si Secretary Piñol na inaasahan natin na meron sanang solusyon na mahahain, ay lalo tayong nadidismaya. Noong isang araw, ang sinasabi niya ang solusyon daw, ay i-legalize na daw ang smuggling. Ano klaseng sagot iyon sa isang problema na seryoso? Eh, smuggling nga ang isa dahilan kung bakit mayroon tayong ganitong klaseng problema, tapos iyon pa iyong ating susuportahan? So…

    ELY: Iyon ho ang, well, siguro talaga hindi ‘to napaghandaan dahil sa meron pong away kasi iyong council at iyong mismong NFA.

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Tama po iyan, at matagal na pong pinapanukala ng NFA Council na magshift na tayo sa isang tariff scheme, ‘di ba, tariffication, so makakapagpasok ng imported na bigas. Inaasahang kahit sino, magbabayad ka lang ng buwis.

    ELY: Oo.

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Inaasahan nila na sana, lalaki iyong supply ng ating bigas dahil dito at dahil dito, bababa ang presyo. Pero ang NFA mismo, ang pinagpipilitan pa rin iyong lumang sistema.

    ELY: Government to government.

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Government to government. Quantitative restrictions. Pero ang problema, mukhang itong NFA natin sa kasalukuyan ay hindi kinakayang tuparin iyong kanyang tungkulin. Sa ilalim ng batas, dapat at least thirty days iyong buffer stuck. Ibig sabihin, 30 days na sapat para pakainin ang buong populasyon ng Pilipinas pero noong nakaraang mga buwan, nag-zero tayo eh – first time sa kasaysayan ng NFA. So, ‘di ko alam kung ano iyong gagawin nila para maayos ito. Ito namang huling importasyon, kung maaalala natin, Ka Ely, ang nangyari, may bukbok iyong pumasok na bigas. So, parang, dapat iyon na sana iyong solusyon, eh, ang nangyari dagdag pang problema.

    ELY: Ay grabe ho, mga kasama. Mamaya pag-uusapan natin ‘yan ‘no, at kasama rin natin dito si Vice President, at sandali lang ho mga, kasama. Magcommercial break lang tayo. Samantala, ang oras natin sa buong kapuluan: 9:16. [music break; END GAP 1]

    [GAP 2]

    ELY: Oras ho natin, mga kasama. 9:17 na po ng umaga. At siguro, magandang pag-usapan din natin, Attorney, ay ito hong patuloy na pagtaas—hindi lang ng bigas ha—halos lahat po ng mga pangunahing bilihin dito po sa ating bansa ay tumataas. At iyong binabanggit nga, iyong mga manggagawa talagang nawawalan ng halos 200 piso kada araw mula sa kanilang talagang… dapat iyong binibili nila nababawasan ng 200 pesos dahil sa taas ng mga bilhin.

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Tama po iyan, Ka Ely, ayon po sa ating mga estimates, ang lumalabas ito hong buwan ng Agosto, baka umabot daw po ng 6 percent ang ating inflation rate—isang 9-year high—ibig sabihin, pinaka-mataas na pag-angat ng mga presyo sa loob ng halos isang dekada sa ating kasaysayan. So talagang hindi ka magtataka kung bakit ang dami ating mga kababayan ang talagang hirap na hirap. Binanggit nga po ninyo, mga ordinaryong manggagawa 200 pesos ang taas ng kanilang ginagastos para sa mga pang-araw-araw nilang kakainin. So talagang napaka-bigat na problema nito at umaasa sana tayo na mayroon namang solusyon na mahahain ang ating gobyerno. Pero sa kabila po ng nagiging isyu na ito, ang naririnig natin puro… well, mga iba-ibang kuwento-kuwento, iba-ibang mga patutsada imbis na konkretong solusyon na sanang inaasahan natin.

    ELY: Okay, samantala, mga kasama, nasa linya natin ito pong si Vic Dimagiba, dati pong undersecretary ng DTI (Department of Trade and Industry) para malaman natin dahil isa po ito sa sabihin natin na nagbabantay rin, ano, at para sa kapakanan po ng mga consumer, mga kasama. Okay, Attorney Vic Dimagiba, magandang umaga po sa inyo.

    ATTY. VIC DIMAGIBA: Hi, good morning. Good morning, Ely!

    ELY: Opo, Ely. Attorney Barry Gutierrez, good morning din po sa kasama natin dito.

    ATTY. VIC DIMAGIBA: Good morning, Ma’am.

    ELY: Si Attorney Barry Gutierrez kasama natin dito. Attorney Vic, so kumusta ho ang inyong pagbabantay sa takbo ho ng mga presyo ho ng mga prime… or iyong basic commodities?

    ATTY. VIC DIMAGIBA: Okay, alam mo kahapon, pinublish ng DTI iyong bago nilang SRP (Suggested Retail Price) as of September 1, ano, 2018. So chineck ko, in-evaluate ko, kinompare ko doon sa as of August 6, ano, 2018, ano. Despite the fact na sabi naman ng mga manufacturers ay hindi muna sila magtataas ng presyo hanggang the end of November, at dito sa huling SRP, ano e, 1,2,3, 9,10, 11, 13—13 items iyong tumaas ang SRP, ano. Puwede naman akong magbanggit ng brand, ano?

    ELY: Sige ho.

    ATTY. VIC DIMAGIBA: Sa sardinas, iyong family budget pack na plain, from P12 naging P13.25—P1.25 ang tinaas, ano. Ang laki noon ha. Pati iyong easy open, ano, from P14 naging P16.30, ang taas. Itong Angel’s filled milk, P30.15 to P39.85, ito, Ely, ang medyo nakakataas ng kilay e. Itong mga iodized salt, doon sa dating SRP, anim sila, anim, ano, na items. Dito sa bago sa September 1, naglagay sila ng subheading—iba iyong presyo ng NCR sa Luzon tapos naglagay sila ng Visayas, Mindanao. Ang itinaas ng presyo ng Visayas, Mindanao, ay 25 centavos up to P1.25. Alam mo, ang tanong ko dito: producing the same item kasi same size e, same weight, ano, kumbaga 250 grams iyong Luzon, 250 grams iyong Visayas, Mindanao, for the 6 grams. E bakit naman ang Visayas, Mindanao, ang patong na inilagay ay average sa 10 to 11 percent. So kung ganoon iyon, at dito po sa mahal na transportation or distribution cost na dulot na rin ng pinataw na excise taxes on whether diesel or gas under TRAIN 1. Iyon lang naiisip kong dahilan kung bakit ganoon kataas iyong diperensya ng Visayas, Mindanao over Luzon.

    Okay, ito namang Speed bar regular na detergent soap from P18.50 to P19 Iyong canned meat, iyong Young’s Town premium—ewan ko kung paborito niyo ito—P27 to P29. Isang lata lang iyan ha at tsaka ang size niyan alam mo ba, 150 grams—iyan na iyong pinaka-maliit na nakikita ko sa mga groceries. At tsaka itong Safeguard, ano, na white, 50 grams, P17.50 to P17.75 at tsaka itong Safeguard white na 90 grams, P28 to P29.25 so P1.25 ang itinaas.

    Ang isyu dito, akala ko nagkasundo na sila na walang magtataas. E bakit pinalusot pa ito ng DTI at isinama nila ito sa September 1 SRP at nag-add pa ng presyo. Parang it doesn’t really reflect kung sila nararamdaman nila talaga iyong nararamdaman ng mga consumers sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

    ELY: Okay. Opo.

    ATTY. VIC DIMAGIBA: Ito pa iyong mga obserbasyon ko, gusto ko kasing masabi lahat ito: sa bread, nangako sila na magdadagdag ng mga branded bread. Wala silang mga nilagay na branded bread sa listahan ng SRP. Ang nandoon lang iyong kilalang kilala na mga project namin. Kami nag-umpisa noon e, iyong Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal, ano. Talaga namang ang presyo noon hindi gumagalaw iyon. Mahirap gumalaw iyon, ano. Tapos iyon, nabanggit ko rin iyong iodized salt. Bakit ang laki ng diperensya ng VisMin sa Luzon price. At tsaka iyong Speed bar iyong detergent, pangalawang beses na nag-increase this year. And then iyong canned meat, tatlong brand doon dalawang beses na nag-increase, ano. So iyon iyong mga issues e. I mean, it’s government themselves iyong nagpapairal ng… ensuring na prices should stay reasonable. E ganitong… data nila ito e. Hindi namin ito data sa Laban Konsyumer ito. Kinompare ko lang iyong ngayon at tsaka iyong August 6.

    ELY: Attorney Vic, sa tingin niyo ano ho ba talaga ang dahilan bakit nagsitaasan sunod-sunod, ano, at parang ayaw tumigil iyong presyo po ng mga basic commodities. Kasi iyonng unang pahayag, iyong unang paliwanag at rason ng ating gobyerno e wala raw kinalaman dito ang TRAIN—iyong TRAIN law.

    ATTY. VIC DIMAGIBA: Walang kinalaman iyong TRAIN law. Pero ito iyong hindi nila sinasabi sa ating mga mamamayan, ano. This year, ang pinakamataas na inabot ng Dubai crude oil—iyan iyong ginagamit nila iyang dahilan ‘di ba—umabot lang iyan ng 74 dollars. July yata or June. As of July, bumaba na iyan ng halos 73. Ang exchange rate naman natin, from end December to ngayon, tumaas ng mga almost P2.50. Pero iyong inflation mo, umabot ng 5.7 [percent] ano. So ang kasalanan daw hindi TRAIN 1 kasi iyong crude oil. So ibalik natin ang 2012, 2013, 2014, siguro hindi niyo alam, doon sa macroeconomic indicator na ginagamit ng DBM (Department of Budget and Management) sa pagsa-submit ng bagong budget sa pamahalaan, iyong 2012, 2013, 2014, iyong Dubai crude [oil] doon umabot ng 110 US dollars per barrel for the year iyon ah. Hindi lang for one month ah pero for the year. $110 for 2012, $95 for 2013, and $94 for 2014. Ang inflation pinaka-mataas na doon was 3.5 or 3.6 [percent]. So i-compare mo lang kung… iyon ang in denial. So I said in one interview, in denial sila sa impact ng TRAIN 1. It’s not crude oil because it has happened in the past. Despite na ang laki ng presyo ng Dubai crude oil, ganoon lang ang inflation ng Pilipinas. E ano ba ang diperensya noon sa ngayon? Noon, zero ang excise taxes sa lahat ng social (inaudible) products iyon ang term diyan e—sa LPG, diesel, kerosene, at tsaka gasolina, isama mo na iyong uling, iyong coal, ano, kasi iyon ginagamit ng mga industriya like semento at tsaka ginagamit pang-burn for power, ano, lima iyan ano. Kaya doon sa kaso namin sa Supreme Court na finile namin right after the law took effect in January, kinuwestiyon namin iyong limang produkto na iyan. Nandoon pa sa Supreme Court iyong kaso namin at in-allege namin iyong isyu ng taxation, among others.

    So bakit ngayon, ang baba naman ng crude oil kumpara noon? E ang inflation mo halos doble kumpara noon. Kaya hindi ako naniniwala doon sa sinasabing… sobra naman. E ang supply chain lang ng agriulture products bibili ka from Benguet dadalhin mo dito sa Quezon City, P7 to P8 ang patong niyan so kada lipat mo sa supply chain, you buy gasoline sa transport for distribution of the product. And iyong gasoline, always contain the excise tax. Kung diesel P2 plus 12-percent VAT, huwag nating kakalimutan na lahat ng produkto, you add 12 percent tax.

    ELY: So maliwanag ho, Attorney Vic, na talagang may malaking epekto itong TRAIN law lalo na po iyong pagpapataw ng excise tax sa produktong petrolyo.

    ATTY. VIC DIMAGIBA: That’s right po kasi laging nandoon and we are only on the first year, ‘di ba, of this tax reform 1. January, dodoble pa lahat iyan hanggang 2020 so papaano maka-cope iyong inflation na sinasabi nilang gaganda pagkatapos, ng end of the year. E pataas e, ang taxes hindi naman pababa. Iyon kasi ang una naming minungkahi noon, ano, noong nagda-dialogue sa Senado—baliktarin sana iyong implementation from the lowest, medium, and high. Tinanong ako ni Senator Chiz, sabi, “Bakit?” Sabi ko, “Para maka-adjust iyong taxpayer. Iyong savings niya sa kaniyang lower personal income tax, e na-save niya so may pambayad siya sa mga mataas na presyo sa susunod na taon.” E ang nangyari, nag-savings sila ngayon e pinataw din iyong mataas agad, ayon, after a few months, ubos ang savings.

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: So sinasabi niyo, Attorney Vic, maaasahan natin sa darating na mga buwan, darating na mga taon, dire-diretso pa ang pagtaas na ito dahil nga doon sa susunod pang package ng TRAIN 1?

    ATTY. VIC DIMAGIBA: Yes, oo. I-explain nila kung mali tao, kung mali kami, dahil hindi nila nasasagot iyong sa crude oil e. Wala pa akong nadidinig na dinedeny na ganoon kasi data nila iyon. Nandoon iyon sa sinubmit sa Kongreso. It’s not crude oil; it’s TRAIN 1 plus iyong indirect effect ng mga pagtaas ng buwis. Everybody or everyone in the business sector, ang mind culture nila, ang mind setting nila, dapat magtaas ng presyo. And it shows dito lang sa DTI SRP, even sa agricultural products nababasa naman natin lahat. Iyong mga traditional na mga binibili natin sa palengke na halos hindi gumagalaw ang presyo, ngayon gumagalaw. I mean, kasi nga you moved the products e. E iyong movement natin matagal nang issue iyan e. We have one of the inefficient supply chain e. Ang haba e. Ang haba ng supply chain. So si retailer huhulihin mo, ang sagot sayo ni retailer, “Iyan po ang bagsak sa akin. Bigyan mo ako ng produktong mababa”—sabi ng mga retailer, sabi ng mga tindera kapag nagmo-monitor kami—“ibebenta namin sa SRP ninyo.” Iyon ang sagot e.

    ELY: Okay, so talagang sabihin na pinaka-grabe ho talaga iyong epekto iyong sa excise tax sa diesel, ano.

    ATTY. VIC DIMAGIBA: Oo, kasi it moves. It moves everything e. I mean, iyon iyong… iyong exchange rate naman natin iyong mga sa raw materials na ano na e, na-implement na ng mga negosyante iyon kaya dapat tinupad sana nila na tatlong buwan na silang hindi magtataas ng presyo. Kaya lang noong in-evaluate naman, pinublish nila kahapon e, mayroon labintatlong items na tumaas e. Parang, hello? Are they fair to what the consumers are telling and talking about… hindi na natahimik ang consumers ‘di ba?

    ELY: So, Attorney, ngayon nagsimula na, pumasok na iyong -ber months at September na. Kapag Disyembre, alam naman natin talagang… ano ba ito, bababa ba ang presyo ng mga basic commodities o lalo pang tataas?

    ATTY. VIC DIMAGIBA: Hindi. In fact, ang pangako lang ng mga manufacturers hanggang November kasi sa Disyembre daw gusto nilang humirit. Tingnan mo naman ang kultura talaga sa mga negosyante, ano. Gusto nilang humirit sa buwan na mataas ang demand. Dapat mataas ang supply so dapat hindi nilamapipigilan kung tataas ang presyo. So sabi namin, ano ba ang difference ng November at December, ano? Gusto niyang tumulong kasi ang ginawa kasi ng DTI, pakiusap e. Kami, ang aming proposal was price moratorium o invoke mo iyong mandated price ceiling under the Price Act, ano, kung unreasonable ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mayroon kang karapatan under the Price Act, Section 7, Section 8. E nangyari, nakiusap. Noong pinagbigyan, tatlong buwan. So parang hindi ko alam kung… sabi ko nga sa isang interview, lokohan ba ito o bolahan?

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Bakit sa tingin niyo, Attorney Vic, hindi nila in-i-implement? Bakit hindi nila in-i-invoke iyong price ceiling na puwede naman nilang gawin?

    ATTY. VIC DIMAGIBA: Ano, e, walang coordination sa price council e. Walang roadmap kung ano ang gagawin e—clear roadmap—kasi ang taas na nga inflation e. Kanya-kanya sila e, ano. Kapag na-(inaudible), pupunta sa mga warehouse, mag-i-inspection tapos nag-monitoring sa isang palengke noong weekend, ang binigay letter of inquiry telling na show cause order. Walang (inaudible) kapag ganoon. Kasi sa Price Act, you issue a show cause order, you ask kung sino iyong… to explain, ano—bakit ang presyo mo sobra sa itinakda ng gobyerno? Kapag hindi niya naipaliwanag, multahan mo siya. The more you multa—ganiyan iyong ginagawa ng MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) ‘di ba? Huli ng huli ‘di ba. Hila ng hila. Dapat ganoon din sa palengke.

    ELY: Ayon, opo. So talagang wala po palang aasahan ang taumbayan na bababa ang presyo ng mga… kugn magbabago iyong mga sistema o strategy po ng gobyerno.

    ATTY. VIC DIMAGIBA: Ang kailangan lang talaga, ayusin iyong mandated price ceiling, i-apply nila sa rice, i-apply nila sa fish, i-apply nila sa vegetables. Akala nila kasi past three months data e so enough ka na e. Siguro leave mo na iyong January, February kasi nag-a-adjust pa lang tayo sa TRAIN, ano, TRAIN 1. Pero iyong July, June, May, April, magsimula ka April hanggang ngayon, makikita mo ang (inaudible) ng food pataas, nasa PSA data iyon. Pataas sa NCR, ano. I those that are updated, to convince them na may basis. May batas na e. You don’t need any law for this.

    ELY: Okay. Opo, Attorney Vic, salamat po sa inyong oras sa DZXL RMN dito po sa BISErbisyong LENI. Good morning po sa inyo.

    ATTY. VIC DIMAGIBA: Good morning po. Salamat po.

    ELY: Mga kasama, iyan po si Attorney Vic Dimagiba ng Laban Konsyumer at may K din magsalita dahil siya rin po ay dating undersecretary ng Department of Trade and Industry o ng DTI. So alam niya iyong galawan ng presyo, so parang mali pala, ano, na lansi tayo na walang kinalaman iyong TRAIN law dito sa pagtaas ng—

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Tingin ko malinaw na malinaw iyong paliwanag ni Attorney Vic na iyon. Pero ang talagang nagulat ako sa kaniyang sinabi, mayroon naman palang puwedeng gawin ang DTI tungkol dito. Iyong sinasabi nilang pag-invoke noong Price Act at pag-i-issue ng show cause order—may batas. So nagugulat ako na sa kabila ng ilang buwan nang nagiging problema ito ng ating mga kababayan, e hindi pa rin nagpapakita ng ngipin ang ating gobyerno. So nakakagulat.

    ELY: Okay, so iyan ho, mga kasama, ang isyu natin ngayon at samantalaga, maya-maya, makakasama natin si Madam Vice President Leni Robredo at para naman siyempre iyong pinaka-tampok ho dito po sa ating palatuntunan iyong Istorya ng Pag-asa. Okay, Attorney, sandali lang. Paalala ho tayo, mga kasama. Oras ho natin, 9:37. [music break; END GAP 2]

    [GAP 3] ELY: Ang oras po natin sa buong kapuluan, 9:39 na po ng umaga. At sandali lang po, mga kasama, maya-maya ay sasainyo ang Istorya ng Pag-asa. At napakaimportante din nito kasi dito, Atty. Barry, naipapakita ng ating mga kababayan iyong kanilang galing sa sining. ‘Di ba mayroon tayong film fest para sa Istorya ng Pag-asa?

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Oo. Napakaganda ng mga lumabas na pelikula doon, Ka Ely. Hindi lang sa maganda ang pagkakagawa, pero iyong istorya talagang nakaka-inspire, dahil istorya talaga ito ng ating mga kapwa Pilipino na sa kabila ng mga hamon sa kanilang sari-sariling buhay ay napagtagumpayan nila at nakagawa sila ng magandang buhay para sa kanila.

    ELY: At ang pinakamatinding hamon dito, biruin mo sa loob ng limang minuto makukumpleto mo iyong buong mensahe.

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Doon mo naman makikita iyong galing sa storytelling ng mga contestants.

    ELY: Sa limang minuto ikukumpleto mo lahat. At sa mga manonood kasi, kailangan hindi bitin. Ibig sabihin iyong mensahe naiparating na agad sa mga manonood.

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Buo iyong kuwento pero kasya doon sa maikling panahon na iyon.

    ELY: Okay, ang oras ho natin, 9:40 na po ng umaga, at abangan ho natin… Iyong sa politika, ano na bang balita sa ating isyu ng politika?

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: [chuckles] Ano tungkol sa politika, Ka Ely?

    ELY: Tatakbo ka ba talaga o ano?

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Tanungin po natin si VP mamaya. [laughs]

    ELY: Pero nasa listahan ito, ‘di ba, ng mga tatakbong senador?

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Sa totoo, Ka Ely, hindi ko pa pinag-iisipan iyang mga anong iyan. Masyado tayong maraming iba pang problema na kailangang harapin muna sa kasalukuyan.

    [music break]

    ELY: Oras na natin, 9:41 na po ng umaga.

    [music break]

    ELY: At samantala, mga kasama… Ano ba iyong sa nagdaang linggo muna? Iyong mga naging aktibidad ng ating Bise Presidente?

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Ang isang napakalaking event na pinuntahan niya ngayong linggo ay noong Biyernes, noong siya ay nagsalita doon sa Ramon Magsaysay Awards. Alalahanin natin na ang kaniyang yumaong asawa, si Sec. Jesse, ay Ramon Magsaysay awardee. So itong nakaraang Biyernes, siya naman iyong naging keynote speaker sa Ramon Magsaysay Awards. At marami iyong natuwa, maganda iyong reaksyon doon sa sinabi niya sa speech na iyon, at tingin ko kasi sa panahon na ito, marami na ring mga tao na nagsasawa na sa tuloy-tuloy na lang na paninira, pamumulitika, at importanteng importante na mayroong magsaad ng mensahe na kailangan nating hanapin kung ano iyong mabuti sa ating loob, at kumilos tayo para sa ikabubuti ng ating bayan.

    ELY: Kasi usong-uso ngayon, lalo na sabihin natin lumawak iyong social media. Itong social media maganda ito kung nagagamit nang tama.

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Tama iyan, Ka Ely.

    ELY: Kung nagagamit sa mabuti. Pero kung minsan nagagamit sa kasamaan, sa paninira sa kapwa. Itong mga pang-aabuso, ito ang mahirap dito.

    ATTY. BARRY GUTIERREZ: Tama, tama. At ito nga, papasok tayo sa Istorya ng Pag-asa. Ito ang punto talaga niyan, na makapagbigay naman ng kuwento na nakakabuti, nakaka-inspire sa ating mga kababayan, hindi na lang iyong paulit-ulit na nakikita nating negative na pananaw kadalasan sa social media.

    [music break]

    ELY: Oras na natin, mga kasama, 9:43 na po ng umaga. At samantala, ito na sa loob ng ating studio si Madam Vice President Leni Robredo. Galing pa ho siya ng Naga. Talagang kahit pagod po sa kaniyang biyahe ay talagang sinisikap pa rin po na personal na makadalo dito sa kaniyang palatuntunan, dito sa BISErbisyong LENI. At muli po, Ma’am, bati po kayo sa ating mga kababayan—Luzon, Visayas, at Mindanao.

    VP LENI: Ayon. Magandang umaga po sa lahat na kasama natin ngayon sa BISErbisyong LENI. Ka Ely, magandang umaga. Senator Barry, magandang umaga!

    Sa mga taga-Visayas—Cebu—mga taga-Mindanao—Davao, Cagayan de Oro—maayong buntag. Sa mga kababayan ko naman, Ka Ely: Marhay na aga sa indo gabos.

    Alam mo, Ka Ely, nagpunta ako ng Naga kahapon. Ilang oras lang ako doon pero ang dami kong nagawa. Mayroon kaming konsehal sa isang munisipyo na namatay. Cancer iyong ikinamatay niya, pero nalalaman pa lang na may cancer, namatay na siya. Marami ding mga events kahapon. At tamang tama, birthday ng nanay ko ngayon. Wala na ako sa birthday niya, pero nakahabol pa ako kagabi. At least sa mga oras bago nag-birthday siya nandoon ako. Inagahan ko lang ngayong umaga para makahabol dito; na-late pa din nang kaunti.

    ELY: Talaga pong ganoon. At least po iyong inyong effort ay nakikita ng listeners. Siguro po pahapyaw, kanina nabanggit po namin ni Atty. Barry iyong inyong pagsasalita sa Ramon Magsaysay Awards.

    VP LENI: Oo. Pangatlong taon ko na yatang nag-attend noon. Pero kapag nandoon ka kasi, Ka Ely, para kang laging inspirado, dahil ang mga kasama mo, ito talaga iyong buong buhay nila inilaan para magsilbi sa kapwa. Ngayong taon, anim ulit iyong awardees. Dito sa Pilipinas—feeling ko nga long-overdue—si Ambassador Howard Dee, kilalang kilala natin na ang tagal nang tumutulong. Pero ito kasi, ito iyong taong tumutulong na napakatahimik lang, hindi tumatawag ng atensyon sa sarili, pero alam natin na parating halos lahat na mga sakuna, lahat na kahirapan na pinagdadaanan natin bilang bansa, nandoon siya tumutulong. At ngayon ay ni-recognize iyong kaniyang pagtulong. Mayroong dalawang galing India, mayroong isang taga-Cambodia, mayroong isang taga-East Timor. At iyong mga kuwento nila, lahat inspiring. Kaya kapag nandoon ka, parang kasama mo lahat bayani.

    ELY: At may mahalagang naging kontribusyon sa lipunan.

    VP LENI: At ngayon, Ka Ely, mayroon tayong dalawang kasama na inspiring din. Napanood natin iyong pelikula at ito, kakaiba ito, kasi iyong bida doon ay babaeng Uber driver, si Ma’am Mel. Ma’am Mel, magandang umaga sa iyo. Si Mel ay… ang asawa mo ay OFW, ‘di ba? OFW iyong asawa niya. Apat iyong anak. Parang iyong edad ay college na lahat.

    MEL MAJADAS: Maaga kasi kami nag-asawa, kaya noong nagkaanak sunod-sunod. [laughter]

    VP LENI: Pero iyong nakadiskubre kay Mel, kasama din natin: si Matthew Pelayo. Ito, actually, Matthew, ngayon ko lang na-realize na, parang, estudyante pa lang kayo… Napakahusay ng pagkagawa ng pelikula mo, Ma’am Mel, pero iyong filmmaker ay estudyante pa lang.

    MATTHEW PELAYO: Ga-graduate na po ako this year.

    VP LENI: Pero film student ka, ‘di ba?

    MATTHEW PELAYO: Yes po, film student.

    VP LENI: Saan?

    MATTHEW PELAYO: Sa La Salle po, sa College of St. Benilde.

    VP LENI: Alam mo diyan sa College of St. Benilde, maraming mahuhusay na filmmakers. Pero ito, ito iyong tanong siguro natin kay Matthew, paano mo nakilala si Mel?

    MATTHEW PELAYO: Noong around March this year, I went to school—

    VP LENI: Parati ka bang nag-u-Uber?

    MATTHEW PELAYO: Bihira po. [laughter] Kaya nga po parang ang suwerte, kasi ang nangyari po noon—ang daming nangyari noong araw na iyon: naghahabol ako para sa thesis ko, tapos nagba-bike po kasi ako kapag pumapasok sa school. Napakainit po noon.

    VP LENI: Gaano kalayo iyong inuuwian mo?

    MATTHEW PELAYO: Malapit lang po, mga 30 minutes from where I live.

    VP LENI: Malayo din iyon.

    MATTHEW PELAYO: Opo. Tapos mainit, tapos marami pa akong requirements na ginagawa, so—

    VP LENI: Nag-Uber ka na lang?

    MATTHEW PELAYO: Pagpunta po sa school, hinatid po ako ng mom ko muna. Naawa siya sa akin. [laughter] Kasi may lagnat din po ako noon. So nakarating naman po ako ng school, tapos noong pauwi na po ako, nag-book na po ako ng Uber. Tapos Friday so rush hour.

    VP LENI: Biyernes pala iyon.

    MATTHEW PELAYO: Opo.

    MEL MAJADAS: Rush hour pa kasi.

    MATTHEW PELAYO: Ang tagal ko pong nagbu-book, tapos noong si Ms. Mel na po iyong na-book ko… ang tagal ko din po siyang hinintay. Mga one hour kong hinintay.

    VP LENI: Kasi traffic.

    MATTHEW PELAYO: Yes. Balak ko po sana ika-cancel ko na lang, pero hindi na kasi tinawagan niya ako.

    MEL MAJADAS: Ilang minutes bago ako nakarating. Pagdating ko doon, mukha niya nakasimangot na. [laughter]

    VP LENI: Kapag ganoon ba hindi kayo nalulugi sa sobrang layo? O dagdag naman sa rate?

    MEL MAJADAS: May surge naman po… Kailangan talaga haba ng pasensya. Para sa pangarap sa mga anak, kaya kailangan talagang mahaba ang pasensya.

    VP LENI: Pero naaalala mo iyong pagsakay sa iyo ni Matthew?

    MEL MAJADAS: Yes, oo.

    VP LENI: Pagsakay niya nakasimangot na?

    MEL MAJADAS: Oo, parang ganoon. [laughter]

    VP LENI: Hindi naman siya tumalak sa iyo? Hindi ka pinagalitan?

    MEL MAJADAS: Hindi. Tahimik lang siya noong pumasok sa kotse.

    MATTHEW PELAYO: Ang nangyari po kasi noon, parang gusto ko pong matulog, pero kinausap po ako ni Ms. Mel. Nakakatuwa naman po, kasi Friday, tapos traffic, so nagkuwentuhan po kami. Tapos nakakatuwa po iyong mga kinuwento niya. Kinuwento niya po iyong family niya, tapos parang nag-bonding po kami sa traffic.

    MEL MAJADAS: Sabi ko pagdating, “Sir, sorry, kasi talagang traffic.” Sabi niya, “Okay,” tapos gumanoon. [laughter]

    VP LENI: Pero ilang taon ka na nagda-drive?

    MEL MAJADAS: 2004 ako nag-start.

    VP LENI: Ay ang tagal na. [laughter] Tapos ngayong wala nang Uber sa atin, nasa Grab ka na?

    MEL MAJADAS: Oo, nasa Grab na ako. One year and nine months ako sa Uber, so noong nawala na iyong Uber, lumipat ako noong April sa Grab.

    MATTHEW PELAYO: Ang tagal po noon, ano, bago kayo makalipat sa Grab.

    MEL MAJADAS: Oo.

    MATTHEW PELAYO: Ang daming process.

    MEL MAJADAS: Ang daming process sa LTFRB.

    VP LENI: Hindi pala iyong automatic?

    MEL MAJADAS: Hindi… Pina-prioritize kami ni Grab, iyong galing ng Uber. Naka-continuous naman pero nag-asikaso ako ng papeles kasi hindi puwedeng hindi legal. Dapat i-legalize ko lahat kasi mahirap naman kapag nahuli.

    VP LENI: Sabi mo one year, nine months ka sa Uber. Pero bago ka nag-Uber driver, saan?

    MEL MAJADAS: May mga requirements din naman ako sinubmit ko doon sa Uber.

    VP LENI: Bago ka naging Uber driver, ano, nagda-drive ka na?

    MEL MAJADAS: Oo.

    VP LENI: Pero hindi sa taxi?

    MEL MAJADAS: Hindi. Sa Uber lang.

    ELY: Bago mag-Uber, nagmamaneho ka, kailan ka natutong magmaneho?

    MEL MAJADAS: 2004.

    VP LENI: Si Mister ba nagturo sa iyo?

    MEL MAJADAS: Hindi. Nag-enroll ako sa driving school.

    VP LENI: Sulit na sulit, ano? [laughter] Pero ngayon, anong oras ka umaalis sa bahay?

    MEL MAJADAS: Nagsa-start po ako ng 9 or 10 a.m., kasi umaga inaasikaso ko pa iyong mga anak ko. Tapos doon na ako nag-uumpisa mag-drive.

    VP LENI: Anong oras ka nakakauwi?

    MEL MAJADAS: 12, 1 a.m. Muntik na akong—May rider kasi ako dati na nag-book sa Las Piñas, so gumamit siya ng pangalan ng Filipino. So pagdating ko doon sa Shell gasoline station ng Las Piñas, nakita ko na iyong mga negro?

    MATTHEW PELAYO: Ito po iyong nakuwento niyo sa akin before…

    MEL MAJADAS: Oo… Lalaki’t babae, hindi ko alam kung mag-asawa o magkapatid. Nigerian pala. Sabi ko salamat hindi sila kasi naiihi ako, pupunta muna ako ng CR. Umikot muna ako, naghanap ako ng parking space. Wala—

    VP LENI: Hindi mo alam na sila na pala iyon?

    MEL MAJADAS: Oo. So pagbalik ko doon sa—kasi malapit siya sa lagayan ng hangin sa gulong. So hindi ako doon kasi baka mamaya may magpapahangin, istorbo ako doon. So no choice ako, bumalik ako doon. Pagbalik ako, bigla silang pumasok. Sabi ko, “Wait a minute.” Sabi ko pupunta pa ako ng CR. Sabi ko puwedeng lumabas muna, hindi ko puwedeng iwanan sila. So dinala ko iyong cellphone. Ingat kong dinala kasi ayaw kong may mapindot sa screen, baka ma-cancel ko. Pagbaba ko ng kotse, na-cancel. Hindi ko alam kung sinong nag-cancel, sila o ako. Sabi ko mamaya ko na sila kakausapin pagkatapos gumamit ng rest room. Sabi ko paglabas ko, “Sir, sorry, aksidente ko napindot iyong cancellation sa trip.” Pinagsamantala nila. Pagsamantala nila, sabi nila, “Okay, you pay 100 pesos for the cancellation fee.” And 400 pesos para iyong fare nila. Sabi ko, “What?” Ako pa talaga magbabayad? Tiningnan ko iyong history payment nila, nakita ko sila pala iyong nag-cancel. Kasi once na 100 pesos na may cancellation fee ang rider, it means sila pala iyong nag-cancel. So in-explain ko, “Sir, you were the one who cancelled your trip.” Sabi niya, “No, no.” Na ako daw iyong nagkamali mag-cancel. Pinagsamantala nila. So sabi ko, hindi ko na pinakinggan dahil pinagtulungan na nila ako.

    So pumasok ako sa kotse, pinaandar ko na iyong makina, ni-lock ko. Tapos iyong malaking Nigerian na mama, kinatok niya iyong glass. Halos babasagin na. So kumuha ako ng pera, sabi ko wait a minute. Kumuha ako ng pera para kunwari ibibigay ko. Diskarte ko lang iyon para makaalis ako.

    VP LENI: Buti naisip mo pa iyon.

    MEL MAJADAS: Hindi ako nag-panic. So by the time, dumiretso ako, humarurot, kasi galit na iyon. Hihingi ng pera sa akin.

    So ni-report ko sa Uber. Sabi ni Uber, hindi ko na sila magiging rider kailanman. Sabi ko gumamit sila ng pangalan ng Pilipino, so it means na may gagawing hindi maganda sa akin. Nakita nilang babae. So siguro hindi sila sumakay noong unang pagdating ko kasi siguro tinitingnan nila kung mayroong dashcam. Wala. So sabi ko, inilayo talaga ako—kasi kapag nag-uumpisa akong mag-drive, talagang nagpe-pray muna ako. So sabi ko, “Salamat Lord, nailayo ako.”

    VP LENI: Pero noong naging pasahero ka niya, alam mo na iyong Istorya ng Pag-asa?

    MATTHEW PELAYO: Sinabi po sya ng prof ko. Iyong sa Istorya ng Pag-asa, five minutes lang po iyong film.

    VP LENI: Iyon ang mahirap, ‘di ba?

    MATTHEW PELAYO: Opo, actually ang hirap. The original was around 20 minutes, so ang dami kong footage na hindi nasama. Pero nagawan ko naman po ng paraan para masabi iyong story niya.

    VP LENI: Pero very touching… Napanood mo?

    MEL MAJADAS: Opo.

    VP LENI: Napanood ng mga anak mo?

    MEL MAJADAS: Oo.

    VP LENI: Iyong asawa mo napanood na?

    MEL MAJADAS: Oo. Wala siya noong time na iyon. Noong pag-uwi na niya, ang sabi niya, “Wow, congrats!” [laughter]

    VP LENI: Kailan mo na-decide na siya iyong i-feature?

    MATTHEW PELAYO: Noong umuwi po kasi ako, hinatid ako ni Ms. Mel, parang nag-enjoy ako sa trip, na-inspire ako sa kaniya. Siyempre filmmaker po ako so na-inspire ako gumawa ng story, tapos naisip kong gumawa ng docu. I actually wrote a Facebook status about sa experience ko, tapos daming nag-like.

    VP LENI: Kasi ang maganda doon sa film mo, very realistic.

    MATTHEW PELAYO: Nakakatuwa nga po kasi nasa loob kami ng car, tapos sabay po naming in-online iyong Uber namin para siya po iyong makukuha ko. Ang swerte na siya din iyong nakuha ko.

    MEL MAJADAS: Noong tumawag siya na mag-shooting kami, sabi ko, “Ha? Ayaw ko, nahihiya ako.” Pero sabi niya, “Sige na, sige na.”

    MATTHEW PELAYO: Hindi ko po siya pinilit. Tinuro po sa amin iyon na kapag gumagawa ng story dapat willing po. Pero in-explain ko naman po sa kaniya kung gusto niya, kasi pinakita ko iyong storyline saka iyong plano.

    VP LENI: Gaano katagal mo shinoot?

    MATTHEW PELAYO: Iyong deadline po ng Istorya ng Pag-asa, I think Sunday. Saturday ko po ginawa. [laughter] Nag-e-edit ako ng weekend.

    MEL MAJADAS: Wala siya halos tulog.

    VP LENI: Nawala iyong bike mo?

    MATTHEW PELAYO: Opo… Noong pumunta ako kina Ms. Mel, naka-bike po ako. Hindi pa kami nag-start mag-shoot, nawala na, pero hindi ako nagpa-stress muna noon kasi alam kong magshu-shoot. Hindi ko muna pinroblema iyong bike.

    MEL MAJADAS: The following day na niya inasikaso, kaso wala na talaga. Pinuntahan niya iyong barangay, hindi na talaga makita… Nilagyan niya ng lock, pero nawala pa.

    ELY: Sa ibang bansa, iyong may coin?

    VP LENI: Saka kahit saan mo iiwan… Tapos marami ding lugar na iniiwan lang iyong bike, kahit sarili mo… Pero iyong film mo, iyong Overdrive, pang-ilan mo nang film na ginawa?

    MATTHEW PELAYO: For a film festival po, first po na ginawa ko for a film festival. Pero may nagagawa na po akong films for school. Ito lang po iyong film ko na nakapasok sa film festival.

    VP LENI: Hindi ka naiyak noong pinanood mo? Kasi naiyak kami.

    MEL MAJADAS: Siyempre. Kasi ang hirap, ang daming…

    VP LENI: Dama mo iyong hirap?

    MEL MEJADAS: Oo. Kasi dati sabi ko, laki ako sa hirap kaya gusto kong ibigay lahat sa anak ko. Kasi separated parents ko. Kaya sabi ko, ayaw ko, gusto ko ibigay sa kanila lahat ng pagmamahal. Naka-monitor iyan silang lahat.

    VP LENI: So kahit nagda-drive ka, tutok na tutok ka pa din?

    MEL MAJADAS: Oo. Lagi akong kapag may tumatawag, “mommy kasi ganito ganiyan.” Lalo na iyong nagde-dentistry ko na fifth year college, sabi, “Mommy may pasyente ako, kailangan ng pera.” Balik na naman ako punta ng school.

    VP LENI: Ah kasi kailangan nila ng model.

    MEL MAJADAS: Babayaran pa iyong pasyente, papamasahihan, pakakainin. Tapos may bibilhin pa. Sabi ko mahal masyado, kaso gusto ng ama. Iyon namang nasa San Beda ko, sabi, “Mommy anong kukunin ko?” Sabi ko mag-accountancy kasi gusto ko CPA lawyer. Sabi niya, “Bigatin.” Pero sabi ko sige, kasi ako naman ang tinatanong. Kahit mahal, sige.

    VP LENI: Pero ang suwerte mo tinatanong ka ng mga anak mo.

    MEL MAJADAS: Oo, kasi kung anong mas maganda. Kasi sabi ko kapag nurse ka, hanggang ospital ka lang, o kung di ka makapasa sa board exam, caregiver ka lang, o magiging professor. Samantala kung mag-CPA ka, maraming opisinang mapapasukan. Buti pumayag.

    VP LENI: Iyong bunso mo nasaan ngayon?

    MEL MAJADAS: Iyong bunso ko pa ang naunang mag-graduate. Bachelor of Science in Marine Transportation siya. Onboard na siya ngayon. 19 years old pa lang siya. Hindi pa siya graduate, tinawagan na talaga siya ng Magsaysay Agency. So onboard siya ngayon.

    VP LENI: Sasabihin ko sana kay Mel, wala kang anak na gusto mong ipaaral ng filmmaking?

    MEL MAJADAS: May ginawa iyong anak ko, pinost ko sa Facebook. Maraming views.

    MATTHEW PELAYO: Parang Koreanovela.

    VP LENI: Nanonood ako noon.

    MEL MAJADAS: Sabi ng anak ko, bakit mo pinapakita? Nakakahiya. Sabi ko siyempre proud mommy. [laughter]

    MATTHEW PELAYO: Nakakausap ko nga po sa mga techniques niya sa paggawa ng film.

    VP LENI: Pero paano nahilig?

    MATTHEW PELAYO: Hilig lang.

    MEL MAJADAS: May anak ako, iyong eldest, nasa Mapua, na multimedia arts. Ang major niya is video. Iyon lang ang wala kong pag-asa, pero sana maka-graduate na.

    VP LENI: Habang may buhay, may pag-asa. [laughter]

    MEL MAJADAS: Umaasa pa rin ako na may pag-asa.

    VP LENI: Bumubuwelo lang iyon.

    MEL MAJADAS: Kasi naloko sa DOTA, 9 units na lang sana.

    VP LENI: Pero huwag kang mawalan ng pag-asa. Marami namang dumadaan sa ganoon pero nagre-recover pa din. Ayan, pakilala mo kay Matthew. Nakilala mo na ba?

    MATTHEW PELAYO: Hindi pa po.

    VP LENI: Kasi parehong larangan… Pero ito, Matthew, sabi mo graduating ka ngayon?

    MATTHEW PELAYO: Opo.

    VP LENI: Ano na iyong balak mo after?

    MATTHEW PELAYO: Well, parang ang nangyari kasi, itong film second course ko na po siya.

    VP LENI: Ano iyong first degree mo?

    MATTHEW PELAYO: I have a degree in Mathematics.

    VP LENI: Ay, oo, tama, nabasa ko pala. Dati kang math major.

    MATTHEW PELAYO: Kasi iyong mother ko po mathematician siya.

    VP LENI: Pareho yata kayong ni Atty. Barry. Pareho kayong mahusay. Philippine Science iyan, eh.

    MATTHEW PELAYO: So I took up Math po, I finished the course for my mother. Pero parang… na-realize ko kasi may passion ako for writing and telling stories. Sinuportahan naman po ako ng mom ko.

    VP LENI: Suwerte mo din sa nanay mo.

    MATTHEW PELAYO: Pressured na po ako kasi dapat maka-trabaho.

    VP LENI: Magkakaroon na ulit tayo ng film festival next year. Dapat sumali ka ulit.

    ELY: Okay, wala na tayong oras. So siguro po baka mayroon kayong mensahe sa ating mga listeners?

    VP LENI: Bihira iyong driver na babae.

    MEL MAJADAS: Lahat ng rider ko, nagugulat sila, “Ay babae!” Si Alec Bovic, noong isang araw naging rider ko kasi kapitbahay lang namin sila sa North Fairview. Hindi niya napansin na driver, noong umakyat na siya napansin kasi hindi naman niya tiningnan kung ano iyong pangalan ko. “Ay, babae!” sabi niya. Nagpahatid sa ABS-CBN. So sabi ko hindi na ako nagugulat kasi bihira sa Pilipinas. So sabi ko, wala, kailangan.

    VP LENI: Tapos nag-aasikaso ka pa ng mga anak.

    ELY: Lahat talaga… So wala na tayong oras, Ma’am.

    VP LENI: Oo. Maraming salamat sa inspirasyon, Matthew at si Mel. Si Matthew hindi na muna natin papakawalan kasi mayroon pang susunod na Istorya ng Pag-asa. Pero si Mel magpapasalamat tayo sa inspirasyon na binibigay. Sana iyong mga kagaya mo na mga nanay din na hindi humihinto hanggang hindi nakakatulong para siguruhin na iyong mga anak makatulong. Kaya maraming salamat sa iyo, Mel.

    MEL MAJADAS: Salamat din po sa inyo.

    ELY: Okay, samantala, Ma’am, mensahe niyo sa ating listeners nationwide?

    VP LENI: Unang una, salamat sa linggo-linggong pagsama sa atin. Pero kase-celebrate lang natin ng National Heroes Day noong Lunes. Pagpapaalala lang siguro na iyong pagiging bayani ay nasa ating lahat, nasa pagiging mabuting mamamayan, kaya hindi hihinto sa pagtulong, hindi hihinto sa pagpahayag ng pag-ayaw sa kasamaan at pagsang-ayon sa kabutihan. Kasi iyong pagiging mabuting mamamayan, ito naman iyong nagbibigay ng pagkakataon na maging bayani tulad ng mga inspirasyon natin. Nakaraan na iyong National Heroes Day, pero pagpapasalamat natin sa lahat na nagbibigay sa atin ng inspirasyon at lakas.

    ELY: Okay, so ayan po ang ating Bise Presidente, Leni Robredo. Maraming salamat, mga kasama, at sa ngalan din po ni Atty. Barry Gutierrez, ako po si Ely Saludar. Maraming salamat, Pilipinas—Luzon, Visayas, at Mindanao!

    – 30 –

    Posted in Transcripts on Sep 02, 2018