Kakampinks, kumikilos para sa mga apektado ng bagyong Odette
[Tagalog Version]
Agaran ang pagkilos ng mga taga-suporta ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo para tulungan ang libo-libong mga pamilyang lumikas bilang paghahanda sa pagdating ng supertyphoon na si Odette (International Name: Rai) na unang nag-landfall sa Siargao Island nitong tanghali ng ika-16 ng Disyembre.
Naghain ng mainit na pagkain ang mga Kakampink sa mga lumikas habang ang iba naman ay naghanda ng mga relief goods. Nangangalap din sila ng mga ulat tungkol sa bagyo na ibinabahagi sa iba pang mga volunteer para malaman kung saan pinaka-nangangailangan ng tulong.
Nitong Huwebes, naghain ng 200 na tasa ng champorado ang mga volunteer mula sa Robredo People’s Council (RPC) sa Sogod, Southern Leyte sa isang paaralan kung saan pansamantalang naninirahan ang mga pamilyang lumikas. Sa Taft, Eastern Samar, naghanda ng lugaw ang mga volunteer para sa higit na 700 katao na lumikas at nasa Taft National High School, Municipal Evacuation Center at Taft Central Elementary School.
Ang binahaging lugaw at champorado ng mga Leni-Kiko volunteer mula sa RPC ang nagbigay ng pansamantalang pagpawi sa mga alalahanin ng mga lumikas sa Surigao City.
Sa Arteche, Eastern Samar at sa Tacloban, Leyte, naghahanda na ng relief goods ang mga volunteer. Kumilos din at nagpamahagi ng relief packs ang Maasin Youth for Leni sa mga barangay ng Sorosoro, Mambajao, Asuncion, Rizal, Tagnipa, at Mantahan sa Southern Leyte.
Sa isang panayam sa media sa Vaccine Express for Seafarers ng Office of the Vice President (OVP) na ginanap sa Pasay City ilang oras bago ang landfall ng bagyong Odette, nabanggit ni Robredo na siya’y nakipag-ugnayan na kina Surigao del Norte Governor Lalo Matugas at Dinagat Island Governor Kaka Bag-ao para makipag-coordinate at matukoy ang kanilang pangangailangan.
“Pag mga ganitong sitwasyon, hindi pwedeng next week ka pa mag-aasikaso. Dapat kung kailan kailangan, gawin na,” sabi ni Robredo sa interview.
Isinailalim ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Dinagat Island at Surigao del Norte, kasama ang Siargao at Bucas Grande Islands sa Signal No. 4, kasama din ang Southern Leyte at ang silangang bahagi ng Bohol.
Sa isang post sa Facebook nitong Huwebes ng hapon, sinabi ni Robredo na naghanda na ang OVP ng relief goods sa mga lugar kung saan ito maaring kailanganin.
Nanawagan din siya sa mga nagpa-plano ng mga donation drive na maghintay hanggang Biyernes, ika-17 ng Disyembre, bago kumilos para magkaroon ng mas mabuting impormasyon ang lahat kung ano ang kakailanganin ng mga apektadong lugar. “Para lang po mas organized tayo,” sabi ng Bise Presidente. [END]
Para sa mga larawan, mangyaring tumungo lang sa Facebook page ng Robredo People’s Council:
https://www.facebook.com/RobredoPeoplesCouncil