Pahayag ni Bise Presidente Leni Robredo sa pagkamatay nina Kieth at Neolven Absalon dahil sa NPA landmine sa Masbate
Noong Linggo, namatay sina Kieth at Neolven Absalon— mga karaniwang mamamayan ng Masbate na nagkataong nagbibisikleta sa kalsada. Ang sanhi ng kanilang pagkamatay: Ang pagsabog ng landmine na itinanim at inako ng New People’s Army.
Nakikiramay kami sa mga pamilya nina Kieth at Neolven. Kasama kami sa dalangin, paghahanap ng katarungan, at mithiing hindi na maulit pa ang ganitong walang-katuturang pagpatay.
Anuman ang sanhi ng pagsabog, walang anumang aksidente sa usapin ng mga landmine. May dahilan kung bakit matagal nang nabuo ang pandaigdigang consensus ukol sa mga ganitong uri ng karahasan. Bawal ito sa ilalim ng Ottawa Treaty, dahil walang lugar sa sibilisadong lipunan ang sandatang hindi namimili ng papaslangin. Hindi ito makatao. No goal or ideology can justify the use of such devices.
Paglabag ito sa batas, sa karapatang pantao, sa mga patakaran ng pakikidigma, at sa mismong pag-unawa natin sa mga hangganan ng kayang gawin ng tao sa kanyang kapwa. Hindi ito pakikibaka; labas ito sa usapin ng paghahangad nating matigil ang hidwaan. Landmines are murder. We condemn this incident without qualification.
#