Pahayag ni VP Leni Robredo para sa Araw ng Paggawa 2021
Kaisa ng sambayanang Pilipino ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa.
Sa araw na ito, kinikilala natin ang mga manggagawang Pilipino at ang kanyang ambag sa lipunan at kasaysayan. Maging araw sana ito hindi lamang ng papuri at pasasalamat, kundi pati ng kongkretong aksyon sa mga isyung matagal nang idinadaing ng mga manggagawa: Ang pagtuldok sa ENDO at kontraktuwalisasyon. Ang pagtiyak na walang manggagawang Pilipinong naaabuso, dito man o sa ibang bansa. At sa harap ng pandemya, ang pagsigurong may sapat na ayuda, suporta para sa mga nawalan ng kabuhayan, maayos na pampublikong transportasyon, at ligtas na mga lugar ng trabaho.
Ipinakita sa atin ng pandemya: Ang manggagawang Pilipino ang lakas ng ating ekonomiya. Sama-sama nating itaguyod ang kanilang mga karapatan at kapakanan, at sama-sama tayong sumulong sa mas ligtas, mas patas, at mas makataong mundo para sa bawat manggagawa at bawat Pilipino.
#