Search

PANALANGIN AT PAKIKIRAMAY PARA SA TRAHEDYA SA KARAGATAN NG BASILAN

OFFICE OF THE VICE PRESIDENT

MEDIA RELEASE 27 January 2026

PANALANGIN AT PAKIKIRAMAY PARA SA TRAHEDYA SA KARAGATAN NG BASILAN

Assalamu Alaykum!

Mga kababayan, ikinalulungkot ko ang trahedyang sinapit ng barkong MV Trisha Kerstin 3 na lumubog sa karagatan malapit sa Baluk-Baluk Island, Basilan, kahapon. Kami sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo ay lubos na nakikiramay sa mga pamilya at naiwang mahal sa buhay ng mga nasawi sa insidenteng ito.

Patuloy nating ipagdasal ang kaligtasan ng mga pasaherong kasalukuyan pang pinaghahanap sa patuloy na isinasagawang search and rescue operations ng ating mga awtoridad. Ipinapanalangin din namin ang kaligtasan at lakas ng loob ng mga rescuers na patuloy na naglilingkod sa kabila ng hamon at panganib sa karagatan.

Kasabay ng ating panalangin ay narito ang mga paalala sa kaligtasan sa paglalakbay sa dagat: • Magsuot palagi ng life jacket, lalo na kung hindi marunong lumangoy. • Huwag maglayag kapag masama ang panahon o may babala ng bagyo. • Sundin ang mga patakaran at instruksyon ng kapitan at crew. • Iwasan ang paglalakad o pagtayo sa gilid ng bangka, lalo na kung maalon. • Huwag mag-overload ng sasakyang pandagat—sumunod sa tamang kapasidad. • Panatilihing tuyo at maayos ang mga gamit upang maiwasan ang pagkadulas. • Alamin ang lokasyon ng mga safety equipment tulad ng life buoy, fire extinguisher, at emergency exits. • Bantayan ang mga bata sa lahat ng oras. • Magdala ng sapat na tubig, pagkain, at first aid kit lalo na sa mahahabang biyahe.

Shukran.

SARA Z. DUTERTE Vice President of the Philippines