VP Leni isinusulong ang suporta para sa mga lokal na magsasaka
Binigyang-diin ni Vice President Leni Robredo ang pangangailangang i-modernisa ang sektor ng agrikultura at suportahan ang mga lokal na magsasaka upang magkaroon sila ng kakayahan na makipagsabayan sa mga importer.
“Kaya hindi tayo nakakapag-compete kasi napakataas ng ating cost of production,” sinabi ni Robredo sa “Panata sa Bayan: KBP Presidential Candidates Forum" nitong Biyernes, ika-4 ng Pebrero.
Ayon kay Robredo, sa tamang suporta, tataas ang kita ng mga magsasaka, mahihikayat silang magsaka, at ang mga lokal na ani ay sapat na para sa Pilipinas.
“Tutulungan natin ang ating mga magsasakang makahanap ng maayos na merkado para sa kanilang mga itatanim. At pag napalakas natin ang kanilang kapasidad, magiging maayos ang kanilang kita at mas giginhawa ang kanilang buhay, mas lilinaw ang landas sa pag asenso.”
Upang isalarawan ang kanyang mga plano, ginawang halimbawa ni Robredo ang kasalukuyang modelo ng programang Omasenso sa Kabuhayan ng Office of the Vice President, na inilunsad noong 2018. “Nili-link namin directly yung farmers to institutional buyers. Napahalaga nito at napaka-successful ng programa, kasi nawawala yung mga middle men… tumataas yung kita ng ating mga magsasaka.”
Nagbibigay din ang programa ng mga serbisyong pangsuporta na nagtuturo sa mga farming communities kung paano palakihin ang produksyon upang maibenta sa mas malalaking pamilihan.
Nakipagtulungan ang OVP sa Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, Department of Science and Technology, at Department of Trade and Industry para sa iba't ibang proyekto ng programa.
Ang sentro ng pagsuporta sa mga lokal na magsasaka ay bahagi ng Angat Buhay sa Hanapbuhay campaign platform ni Robredo, na katuwang din ng Angat Buhay sa Pagkain, na naglalayong labanan ang malnutrisyon.
“Papalakasin natin ang agrikultura, lalo na ang local production para tuloy-tuloy ang kita ng mga magsasaka at mangingisda, at sigurado ang food supply,“ saad ni Robredo.
Ang KBP presidential forum ay dinaluhan ng apat pang kandidato: Senator Ping Lacson, Senator Manny Pacquiao, Mayor Isko Moreno, at Leody de Guzman. Si Ferdinand Marcos Jr. ay isang no-show, na nagdahilan ng conflict sa schedule.
Ang forum ay nai-broadcast nang live sa mahigit 300 TV network at istasyon ng radyo sa buong bansa, na may karagdagang mga pandaigdigang livestreaming sa internet. [End]