VP Leni: Lokal na enerhiya ang susi para sa energy security ng bansa
Nanawagan si presidential aspirant Bise Presidente Leni Robredo nitong Biyernes, ika-21 ng Enero, na linangin ang mga lokal na pagkukunan ng enerhiya para mapahupa ang patuloy na pagtaas ng presyo ng enerhiya sa Pilipinas bunsod ng mga pangyayari sa ibang bansa.
Ayon kay Robredo, ang suplay ng enerhiya ang “number one concern” ngayon nang matanong kung ano ang gagawin niya para matugunan ang isyu ng suplay at presyo ng enerhiya sa bansa kung siya ay maging Pangulo.
Si Robredo ang itinampok na kandidato sa online forum ng Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX) na tinatawag na Meet the Presidentiables: Economic Reforms in the New Frontier.
“The Malampaya gas fields is running dry very soon. There are pending applications for service contracts that have not yet been acted upon. So, number one, there should be an immediate review of all these applications and award them as soon as possible. And government should provide support to private companies to fast-track development of oil fields,” sabi ni Robredo.
Nakikita din ni Robredo ang pagpapalawig ng Energy Virtual One Stop Shop (EVOSS) at ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) bilang paraan para mapabilis ang pag-apruba sa mga proyektong may kinalaman sa enerhiya, ayon na din sa mga stakeholders na nakausap niya.
Sa plano ni Robredo, sinusuportahan niya ang pagiging mas carbon neutral ng Pilipinas sa 2050, pero wala ngayong road map ang pamahalaan na nasasabi kung papaano makakamit ito.
Nakikita niya ang liquified natural gas (LNG) bilang nag-iisang praktikal na solusyon para maisakatuparang ang transition. Sinabi din niya na dapat manguna ang Department of Energy (DOE) sa pag-aayos ng suplay ng LNG at hindi bayaan magkanya-kanya sa pag-aangkat ang mga gumagamit nito.
Bilang pangmatagalang solusyon, ang pagbigay ng prayoridad sa murang pagkukunan ng enerhiya tulad ng araw, hangin, at geothermal ang magsusulong sa paggamit nito para maiwasan ang kakulangan sa kuryente.
“One sustainable alternative also, which [is] being pushed by some sectors, is to encourage high-consumption volume consumers to put up their own solar panels for those who can afford. Putting up panels in ecozones, for example, can shave off the peak to manage the supply,” sabi niya.
Pabor din si Robredo sa pagsusulong ng mga mini grid para magbigay ng kuryente sa mga malalayong pamayanan.
Nais din ng Bise Presidente na mabago ang mga implementing rules and regulations ng batas sa Value Added Tax para hindi masama ang ilang bahagi ng power bill na hindi naman makakatulong sa pagbaba ng presyo ng kuryente. Bukas din siya sa pagbabago ng mga rate ng excise tax para tumugon sa pagbabago ng presyo sa pandaigdigang merkado at ma-review ang system loss allowance.
Bilang tugon sa tanong tungkol sa nuclear energy, sinabi ni Robredo na bukas siya para sa diskusyon tungkol dito, pero mas mahalaga ang makalaya mula sa paggamit ng fossil fuel.
“While I am open to discussions, it is very, very clear that the priority now should be moving away from fossil fuel dependence towards a shift to renewable energy. We should also ensure that energy costs do not hamper our economic trajectory,” aniya. [End]