VP Leni, nanawagan ng background check para sa lahat ng lingkod bayan
Sinabi ni Vice President Leni Robredo na hindi niya tinututulan ang background check para sa lahat ng mga lingkod bayan dahil ang paggawa nito ay tumutugon sa pagkakaroon ng transparency sa gobyerno.
“Dapat talaga ginagawa ang background check, hindi lamang sa mga aspirants pero lahat na public officials. Kasi ang public office is a public trust,” ani Robredo sa “Panata Sa Bayan: The KBP Presidential Forum” noong Biyernes, ika-4 ng Pebrero.
Inihayag niya ito bilang tugon sa tanong ng panelist na si Elmar Acol. Nais malaman ng beteranong mamamahayag ang opinyon ni Robredo sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na ibubunyag niya ang mga pangalan ng mga kandidato sa pagkapangulo na sangkot sa katiwalian. Sinabi ni Duterte na ang Philippine National Police (PNP) ay nag-iimbestiga na sa mga presidential aspirants at gumagawa ng background checks.
“Kailangan talagang… palagi kaming chine-check. Parating may audit kung merong kurapsyon na nangyayari. Kasi pag [may pag-expose sa] kurapsyon na nangyayari, hindi naman 'yung kalaban namin 'yung makikinabang doon kundi buong taumbayan,” sabi ni Robredo. “Kailangan magkaroon ng sistema at mekanismo para nao-audit 'yung aming mga ginagawa may eleksyon man o wala, lalong lalo na pag may eleksyon.”
Iginiit ni Robredo kung gaano kahalaga para sa mga botante na malaman ang mga akusasyon na inihain laban sa mga kandidato.
“Pag may eleksyon kailangan talagang maisiwalat ano ba talaga ang mga accusations laban sa kanya… meron ba siyang convictions? Ano ba 'yung mga kanyang pinagdaanan, ano ba 'yung kanyang record? Kasi dapat bahagi ito ng pagkilatis sa kanya ng taumbayan na boboto sa kanya,” ani Robredo.
Ang KBP presidential forum ay dinaluhan ng apat pang kandidato: Senator Ping Lacson, Senator Manny Pacquiao, Mayor Isko Moreno, at Leody de Guzman. Si Ferdinand Marcos Jr. ay no-show, na sinabing conflict ito sa kaniyang schedule.
Ang forum ay nai-broadcast nang live sa mahigit 300 TV network at istasyon ng radyo sa buong bansa, na may karagdagang mga worldwide livestreaming services sa internet. [End]