Search

Pahayag ng Pangalawang Pangulo para sa pagdiriwang ng ika-127 taong Araw ng Kalayaan

Assalamu Alaykum Warahmatullahi Wabarakatuh! Madayaw ug maayong adlaw kaninyong tanan. Magandang araw sa inyong lahat.

Mga kababayan, ang tinatamasa nating kalayaan ngayon ay bunga ng tunay at wagas na pagmamahal ng mga bayaning Pilipino sa ating bansa at ang magiting nilang paninindigan laban sa pang-aalipin ng mga dayuhan.

Sa kanilang mga sakripisyo at pagbubuwis ng buhay ay natamasa natin ang kalayaan at namuhay tayo bilang bansang isinusulong ang sariling adhikain, interes, o pangarap.

Ang Araw ng Kalayaan ay pagkakataon hindi lamang upang ipagdiwang ang ating kalayaan kundi upang paalalahanan din tayo sa ating tungkulin na bantayan, pangalagaan at ipagtanggol ito sa lahat ng panahon.

Paglapastangan sa alaala ng ating mga bayani ang pagyakap sa kultura ng pagkaalipin.

Paglapastangan sa diwa ng kalayaan ang pagsasawalang bahala sa paghihirap ng maraming pamilyang Pilipino at ang paglabag sa ating mga karapatan at sa batas.

Kabilang sa mga hamon sa ating kalayaan ay ang pagmamalabis at katiwalian sa gobyerno, laganap na droga, problema sa edukasyon, kahirapan at gutom.

Hindi tayo lumaya para masadlak lamang sa pagdurusa ang ating bansa. Hindi tayo lumaya para muling mawalan ng karapatan at maging alipin ng iilan.

Ipinagmalaki natin sa mundo ang kalayaan ng mga Pilipino.

Huwag nating isuko ang kalayaang ito sa mga taksil at walang malasakit sa ating mamamayan at sa ating bayan.

Patuloy nating ipagtanggol ang ating kalayaan at kinabukasan mula sa mga mapang-alipin.

Ang lahat ng ating ginagawa ay para sa Diyos, sa bayan, at sa bawat pamilyang Pilipino.

Shukran.