Search

Statement on the death of Sgt. Jernell Ramillano

Mga kababayan, ladies and gentlemen.

Assalamualaikum.

Madayaw ug maayong adlaw kaninyong tanan. Magandang araw sa inyong lahat.

Taos puso nating kinikilala at binibigyan ng parangal ang katapangan, kabayanihan, at paglilingkod ni Sgt. Jernell Ramillano.

Nasawi si Sgt. Ramillano nito lamang December 17 sa Balayan, Batangas, habang nakikipaglaban sa teroristang New People’s Army, ang armadong pwersa ng Communist Party of the Philippines.

Si Sgt. Ramillano ay isa lamang sa mga biktima ng karumal dumal na gawain ng mga teroristang CPP, NPA, at NDFP. Kabilang ang kanyang pamilya sa mga libu-libong pamilyang nawalan ng mahal sa buhay.

Noong 2018, hinding hindi ko makakalimutan ang tanong sa akin ng ina ng isang sundalong si 1st Lt. Jaren Relota, isa sa mga pumanaw dahil sa pakikipaglaban sa NPA sa pinakamamahal kong Lungsod ng Davao. Paulit ulit na sumasagi sa aking isipan ang tanong ng ina ni Jaren na nagsasabing “Inday Sara, ilang anak pa ba namin ang mamamatay dahil sa mga teroristang NPA?”

Marami pang Sgt. Ramillano at 1st Lt. Relota ang magbubuwis ng buhay kung ipagsasawalang-bahala natin ang traydor, mapanlinlang, at marahas na kalabang CPP, NPA, at NDFP. Maraming kabataan din ang hindi makakapagtapos ng pag-aaral kung hahayaan natin silang mabiktima ng mga grupong ito upang gawing armadong terorista.

Mga kababayan, gusto kong malaman ninyo na ang tanging layunin ng CPP, NPA, at NDFP ay sirain ang pundasyon ng ating demokrasya, pabagsakin ang mga institusyon ng pamahalaan, at kaladkarin tayo sa kahirapan, kaguluhan, at kawalan ng hustisya.

Dili na kita magpatonto sa mga terorista nga sa dugay nga panahon nahimong babag aron atong masinati ang pamuyo nga malinawon ug matagamtaman ang kalambuan sa atong mga komunidad.

Para naman po sa mga magulang, asawa, anak, at buong pamilya ni Sgt. Jernell Ramillano, nakikidalamhati po ako sa inyo at saludo po ako sa serbisyong ipinamalas ni Jernell sa ating mahal na Pilipinas.

Mananatili sya sa puso at isipan ng bawat Pilipino at ang kanyang katapangan at pagmamahal sa bansa ay magsisilbing inspirasyon ng bawat isa sa amin upang mas mapabuti pa ang paglilingkod sa bayan.

Shukran.